Wednesday, December 09, 2009

Mabuti pa ang Posporo

Pagod at hapo sa maghapong paglalakad. Pagal at hapo ang aking katawan. Nagkasya na lamang muna sa upuang kahoy na ito, sa tabi ng dagat. Masarap ang simoy ng hangin. Malamig. Palatandaan na malapit na ang pasko.

Kaygandang pagmasdan ng paglubog ng araw sa Manila Bay. Kaygandang panoorin ng mga ilaw na animo'y nagsasayawan sa saliw ng mga tugtuging pamasko. Iba't ibang kulay. Nakakatuwa. Ito’y isang tanawing umakit sa mga pintor, at umakit na rin marahil sa mga magsing-irog na ginawa nang pugad ng kanilang pag-iibigan ang lugar na ito, o dili kaya’y ng kanilang kasalanan.

Gabi na naman. Saan na naman kaya ako maaring magpalipas ng gabi? Nakakatakot na sa Luneta. At higit din naman ang takot kong matulog sa Roxas Boulevard. Maraming adik. Baka mapagkatuwaan pa ako.

Bawal nang matulog sa mga terminal ng bus. Hindi rin naman puwedeng magpalipas ng gabi sa mga tindahang bukas 24-oras. Dahil sa ayos ko, baka mapagkamalan pa akong shoplifter, makalaboso pa ako.

Naalala ko pa, Sabado ng hapon nun. Halos ganitong panahon din, magpapasko, mga tatlong taon na ang nakakalipas.

“Tapos na ang palugit na ibinigay ko sainyo,” ani Mr. Sun. “Ngayon, sa ayaw at sa gusto ninyo, kailangan na ninyong lisanain ang lupang pag-aari ko.”

Si Mr. Sun ang may-ari ng lupang kinatitirikan ng mahigit dalawang daang barung-barong na kung tawagin naming ay bahay. Siya ang may-ari ng lupang kinagisnan kong amin.

Ang mga barung-barong ay yari sa pinagtagpi-tagping yero at pinagtibay ng mga sirang goma sa bubong. Subalit, isa itong paraiso sa isang yagit na katulad ko. Maraming pangarap ang nabuo sa lugar na iyon. Isa iyong pugad kung saan nahasa ang mga batang katulad ko na makibaka sa buhay, mangarap, magsikap upang makaahon sa kahirapang aming kinasadlakan.

Ngunit ang lahat ng pangarap ay gumuho noong araw na ipina demolish ang aming munting paraiso.

Nagkagulo. Maraming tumutol. Ngunit, ang nais ng Intsik ay mapasakanya na ang lupa nung araw mismong yun. May nagsabog ng tear gas. Mahapdi sa mata. Halos wala akong Makita. May nanghataw ng dos por dos, ng bakal. Ngunit ang mas masakit; binaril ng mga tauhan ng Intsik ang sinumang tumutol. Umiral ang dahas. Hindi ko nasikmura.

Wala akong nagawa kundi ang umiyak. Tumakbo ako. Mabilis. Tuimakas sa kaguluhang kailan ko lang naintindihan. Subalit nang bumalik ako, wala na ang mga bahay. Marami ang nakita kong bangkay. Sa di kalayuan, nakita kong nakahandusay ang malamig na katawan ng nanay at tatay ko.

Naawa ako sa sarili ko. Nagiisa. Walang masumpungan. Naging palaboy, namumulot nag basura. Namamalimos.

Minsan may kumupkop sa akin. Akala ko, mabait. Sabi pa, tutulungan niya akong makapag-aral, makapagtapos. ‘Yun pala, tuturuan niya akong magnakaw, mandukot, maging kawatan. Ayoko.

Naging paraiso na sa akin ang mga tambak ng basurang kapiling ko araw-araw. Sawa na akong umasang may maaawang kukupkop sa akin at bigyan ako ng tahanan. Sawa na rin akong umasang maambunan ng biyaya ng gobyerno. Ayoko na ring isiping may magmamahal sa akin maliban sa mga basurang kasama ko araw-araw. Nakakasawa na ang mangarap na sana, balang araw… aaahhhhhh… sadyang malupit nga sa akin ang tadhana.

Mas mabuti pa ang posporo. Ang mga palito ay nagkakasya sa isang parihabang kanlungan na matatawag na kanila. Iyon ang kanilang bahay, ang kanilang tahanan. Walang maaaring umangkin. Di tulad ko, walang masilungan. Walang mapuntahan. Palaboy.

No comments: