Thursday, December 10, 2009

Kahilingan ng Sundalo (sa gitna ng digmaan)

(alay sa mga sundalong nakikipaglaban para sa kapayapaan)

Ang kinalalagyan ko'y isang impyerno
Disyertong mainit, dinilig ng dugo
Walang sinisino itong mga punglo
Halos maubos kabaro kong sundalo.

Saan man magtungo'y aking naririnig
Malakas na putukan, mga paghibik
Hindi sumusuko magkabilang panig
At isang digmaan ang kanilang ibig.

Kailan magwawakas gulo sa ating bayan?
Kailan makakamtan ang kapayapaan?
Kailan mamumulat, mga mamamayan?
Kailan matutupad aking kahilingan?

Isang sundalo sa gitna ng digmaan
Sugatan at pagal ang aking katawan
Alam kong ako'y di na magtatagal
Pangarap maiiwan dun sa kawalan.

Saksi ang langit sa mga nagaganap
Dinig ang panaghoy ng mga mahihirap
Tila ba itong sigaw hindi magwawakas
Sakit ng lipunana, wala na ngang lunas.

Bakit kailangang lupa'y madilig ng dugo?
Bakit kailangang mag-away pa tayo?
Isang bansa, isang diwa, isang tribo
Hindi ba't tayo ay mga Pilipino?

Hiling ko lang naman, sana'y magwakas na
Ang kahirapan, kaguluhan sa bansa
Kailangan lamang ay pagkakaisa
Nang ating makamit ang bansang payapa.

Sana naman, Bayan, ako'y dinggin ninyo
Sana'y pagbigyan ang tanging hiling ko
Alang alang sa lupang dinilig na ng dugo
At pinagtaniman nitong mga punglo.

%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%


%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%%

No comments: